Nahukay na ng mga tauhan ng SOCO, Calabarzon Regional Crime Laboratory Office at Calauan PNP ang labi ng nawawalang babaeng South Korean national sa tabi ng kanilang tahanan sa Barangay Lamot 2, Calauan, Laguna nitong Linggo.
Ang labi ng dayuhan ay positibong kinilala ng kanyang anak na nagtungo sa Pilipinas para hanapin ang nawawalang ina.
Nadiskubre ang krimen, matapos aminin mismo ng suspek na asawa ng biktima ang pagpaslang.
Nitong Biyernes ay nagtungo ang 63-anyos na suspek, na isang Korean pastor sa South Korean Embassy sa Taguig City at ipinagtapat ang pangyayari subalit matapos ang pag-amin sa krimen, lumipad din ito patungong South Korea kinagabihan ng Biyernes at sumuko sa mga awtoridad sa Jae Cheon City, Chung Chung Do province.
Kaagad sumulat ang Korean embassy sa Calauan police na humihiling para magsagawa ng imbestigayon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Calauan police, sinasabing nangyari ang krimen alas-otso ng umaga ng August 25, 2022, matapos nagtalo ang mag-asawa dahil sa titulo ng isang lote.
Tatlong beses umanong pinalo ng suspek sa noo ang biktima gamit ang isang tubong bakal na siya nitong ikinamatay. Binalot ng suspek ng kumot ang biktima, itinago sa kusina at saka inilibing malapit sa kanilang piggery makalipas ang tatlong araw.
Ayon sa mga awtoridad, nakaalis sa bansa ang suspek dahil wala pa naman itong kaso nang lumipad pa-Korea.
Matapos na mahukay ang labi, inihahanda na rin ng Calauan police ang kasong isasampa laban dito. (Ronilo Dagos)
The post Missing Koreana, hinukay na sa Laguna first appeared on Abante Tonite.
0 Comments