Senglot na buntis dedbol sa SUV, van

Doble kamatayan ang sinapit ng isang nakainom na babaeng buntis matapos masagasaan ng isang Sports Utility Vehicle (SUV) at mahagip pa ng paparating na van kahapon ng madaling araw sa Cebu City.

Dead on the spot dahil sa tinamong mga pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Michelle Cañeda, 19, 2-buwang buntis, taga-Lawaan 1, Talisay City, Cebu.

Samantala nasa kustodiya na ng pulisya ang drayber ng van na si Olsen Rojo, 25, habang patuloy pang pinaghahanap ang drayber ng SUV na unang nakasagasa sa biktima.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente ala-una ng madaling araw sa N. Bacasio Avenue, Barangay Poblacion Pardo ng nasabing lungsod.

Bago ito ay dumalaw muna ang biktima sa kanyang kinakasama na nakakulong sa Inayawan Police Station sa kasong iligal na droga.

Paglabas ng biktima sa presinto ay inaasahan ng kanyang kinakasama na diretso na itong uuwi sa kanilang bahay sa Talisay City subalit nakipag-inuman pala ito sa mga kaibigan at nang malasing ay humiga sa kalsada.

Itinabi naman ng mga kaibigan ang biktima sa gilid ng kalsada subalit bigla umano itong tumakbo dahilan upang mabundol ng paparating na SUV at pagkatumba nito sa kalsada ay nasagasaan pa ng pasalubong na van na minamaneho ni Rojo.

Sa ngayon ay patuloy na tinitignan ng pulisya ang CCTV sa lugar para sa pagkakakilanlan ng SUV na unang nakasagasa sa biktima. (Edwin Balasa)

The post Senglot na buntis dedbol sa SUV, van first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments