Bilyon-bilyong gastos sa national ID pero nababakbak

Sobrang atrasado na ay palpak pa ang ipinamamahaging national ID ng gobyerno.

Taong 2018 nang magsimulang maglabas ng pondo ang Philippine Statistic Authority (PSA) para sa implementasyon ng national ID.

Taun-taon ay iba-ibang halaga ang inilalaan ng gobyerno para matapos ang pamimigay ng national ID na dapat ay popondohan ng halos P30 bilyon.

Napakalaking pondo ang ginugugol dito ng gobyerno kaya hindi tamang mabalitaan nating sandamakmak ang kapalpakan sa ginawang pag-iimprenta ng national ID.

Pinakahuling isyu sa national ID ay burado at nabakbak daw ang ilan sa mga ito, particular ang mga letra at larawan.

Ang good news lang ay handa raw palitan ayon kay Philippine Statistics Authority Deputy National Statistician Fred Solleta ang mga nabakbak at naburang national identification card.

Ang sa atin dapat lamang na palitan ang mga nabakbak o naburang national ID, tungkulin ito ng tagapangasiwa ng proyekto.

Pero ang tanong ng marami, dapat ba itong mangyari?

Hindi ba’t dapat ay may quality control na para bumusisi sa kalidad ng ginagawang mga national ID?

Huwag naman sanang maging pabaya ang mga taong gobyerno na naatasang mangasiwa sa pag-iimprenta ng national ID.

Hindi lang distribusyon ng mga national ID ang kanilang obligasyon, kundi dapat din nilang tiyakin na matinong mga ID ang makakarating sa mga kumuha ng national ID na naghintay na ng napakahabang panahon pero palpak pa rin ang matatanggap na ID.

Hindi rin sapat ang ipinalabas na abiso ng PSA na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng feedback and grievance division kapag may naengkuwentrong problema sa tinanggap na national ID.

Sa ngayon ay mayroon ng naitalang nagparehistro na 79.12 million sa national ID.

Nakagawa na ang BSP ng 38.7 million ID at may gap sa delivery na tinatayang nasa pitong milyon.

So ang panawagan ng taumbayan lalo na ng mga hindi pa nakakatanggap ng kanilang national ID sana naman ay masulit ang tagal ng aming pinaghintay. Hindi iyong bakbak ang matatanggap naming at muling maghihintay ng siyam-siyam uli.

***

Pinakahuling biktima ng pekeng advertisement sa Facebook ay ang Megastar na si Sharon Cuneta.

Ang kagandahan kay Shawie ay agad itong nagbigay babala sa publiko at itinangging ini-endorso nito ang isang produktong pampapayat.

Sa Instagram post ni Sharon, sinabi niya na fake ang naturang advertisement dahil hindi siya gumagamit ng produktong nasa larawan. Ang product ay isang barley grass powder para umano sa weight loss.

Nauna nang nabiktima sa ganitong klaseng advertisement sa Facebook ay sina Doc Willie Ong at asawa niyang si Doc Liza.

Gayundin si Kris Aquino na nagbantang magkakaso sa mga gumagamit ng kanyang larawan para sa pag-endorso ng sinasabing miracle food.

Sana naman ay maging mabusisi si Facebook sa mga inilalapit ditong advertisement gaya ng pagkastigo nila sa mga fake news na nilalabas sa kanilang platform.

Huwag naman sana na porke kumikita ang Facebook sa ganitong mga advertisement ay hayagan nilang papayagang makalusot ang mga pekeng advertisement.

The post Bilyon-bilyong gastos sa national ID pero nababakbak first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments