Pista ng Pentekostes

Ipinagdiriwang kamakailan ng Iglesya ang “Pentekostes.” Mahalaga ang pagdiriwang na ito para sa tanang mananampalataya sapagkat sa pagbaba ng Espiritu Santo limampung araw pagkaraan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, nabuo ang pamayanang Kristiyano; kaya’t itininuturing ang Pista bilang opisyal na ‘Pagsilang ng Simbahan.’

Sa dakilang Pista ng Pagpanaog ng Espiritu ginugunita ang katuparan ng pangakong binitiwan ni Hesus sa mga alagad bago Siya lumisan— na ipadadala Niya sa kanila ang Espiritu Santo (Juan 16:7). Sa Bagong Tipan ang salitang ginamit ay ang Griyegong bansag sa Diyos Espiritu bilang “Paraklito.”

Ibat iba ng ang tawag sa Espiritu Santo depende sa paraan ng manipestasyon Niya sa buhay ng iba’t ibang sitwasyon. Sa Bibliya iba’t ibang paglalarawan katulad ng malakas na hangin o apoy. Nang lumukob ito sa mga Apostol namalas ang animo’y dilang apoy sa kanilang mga ulo (Cfr. Mga Gawa 2:1-11)

Sa tradisyon, kinikilala ang Espiritu Santo bilang “Comforter,” “Counsellor” at “Advocate”. Saad ng Iglesya, “Since there is no single word that can comprehensively describe the Holy Spirit, it is most fitting to turn to him today as ’the Lord, the Giver of Life” katulad ng ipinapahayag natin sa ‘Nicene Creed’ tuwing Linggo sa Misa.

Sa Ebanghelyo, ang Espíritu Santo ang sagisag ng buhay ng Diyos na ipinagkaloob sa mga alagad. Tumatayong ‘Buhay ng Simbahan,’ lakas at tapang ng mga alagad ang Paraklito. Siya ang nagbibigay katiyakan sa atin na bagamat umakyat na sa Langit at naluklok sa kanan ng Ama, nanatiling kasama natin ang Panginoong Hesus.

Giit ng Simbahan, ang Espiritu Santo samakatuwid ang ating Patnubay at Gabay. Siya ang Ikatlong Persona ng Santisima Trinidad na kumakatawan sa presensiya ng Diyos sa buhay ng tao. Kung ang Diyos Ama ang “Tagapaglikha”, at “Tagapagligtas” naman ang Diyos Anak, ang Paraklito ang “Tagapagbanal” sa atin.

Iba’t iba man tayo, iisa lamang ang nagbubuklod sa atin— ang Espiritu Santo, upang maging isang Katawan kay HesuKristo. (1 Cor 12:4). Tayong lahat samakatuwid ay magkakapatid sa Espiritu! Diin ng Iglesya, “this is the mystery of Easter which culminates in the sending of the Holy Spirit who continues the work of unity and reconciliation.”

Sa araw ng pagbaba ng Espiritu, nagkaroon ng tatag at tapang ang mga alagad upang lantarang ihayag ang tungkol kay Kristo. Dahil rito natiyak ang pagpapatuloy ng sinimulan ng Panginoong Hesus. Sa Pista ng Pentekostes, inaanyayahan tayong maging tapat at tunay at matapang na mga alagad sa harap ng anumang hirap at pagsubok

Sa huli, paanyaya ng Iglesya sa tanan ngayong Dakilang Pista ng Espiritu Santo: “The Holy Spirit is the promised Paraclete, the Spirit of Truth who will guide us to all Truth. Empowered by the Spirit, let us go forth in confidence to proclaim the Good News of Salvation so that through us God can give life to others and renew the face of the earth!”

The post Pista ng Pentekostes first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments