Isnaberong Taxi Driver Binoga

Naratay ang isang taxi driver matapos barilin ng lolo na tinanggihan niyang isakay sa Quezon City, Miyerkules ng hapon.

Isang tama ng bala sa tiyan ang tinamo ng taxi driver na si Daniel Tranquiña, na ginagamot ngayon sa Quezon City General Hospital (QCGH).

Arestado naman ang suspek na si Dionisio Trube Jr., 64, taga-Bongabon, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Quezon City Police District (QCPD)- Project 6 Police Station (PS 15) chief, PLTCOL Richard Mepania, alas-5:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa Mindanao Ave., Brgy. Bagong Pag-asa, QC.

Nauna rito, pinara umano ni Trube ang taxi ng biktima at nagpapahatid sa Cubao, ngunit tumanggi itong isakay ang senior citizen. Nauwi ang insidente sa mainitang pagtatalo.

Kinalampag umano ng suspek ang taxi kaya’t bumaba si Tranquiña mula sa sasakyan.

Dito na umano nagbunot ng baril ang suspek at nagpaputok, sanhi upang tamaan ang biktima sa tiyan.

Narekober mula sa suspek ang isang Taurus Cal .357 na loaded ng apat na live ammunition; isang fired cartridge case; at isang deformed fired bullet.

Sinabi ni Mepania, lisensiyado ang baril at may permit ang suspek pero hihilingin umano nila na ma-revoke ito.
Inihahanda na ang kasong frustrated murder laban sa senior citizen.

(Dolly Cabreza)

The post Isnaberong Taxi Driver, Binoga first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments