Magkasamang nakaselda ang magkapatid matapos silang magnakaw ng motorsiklo at tangkaing ibenta ito sa Quezon City noong nakaraang linggo.
Kinilala ni Payatas Bagong Silangan Police Station (PS-13) commander PLtCol. Leonie Ann Dela Cruz ang mga suspek na sina Sanny Jesalva, 19-anyos, John Michael Jesalva, 18, kapwa taga-Barangay Old Balara, Quezon City.
Sa kanyang reklamo sa pulisya, sinabi ng biktimang si Arman Cabuquit, na nawala ang kanyang motorsiklo nang iparada niya ito sa Atis St., Barangay Payatas sa nasabi ring lungsod noong Hulyo 7.
Samantala, matapos tangayin ay humingi ng tulong ang mga suspek kay Ma. Angelica May Pilapil na hanapan ng buyer ang kanilang motorsiklo.
Gayunman, natuklasan ni Pilapil sa land Transportation Office na nakarehistro ang sasakyan kay Cabuquit at hindi sa sinuman sa mga suspek, dahilan para isumbong niya ito sa pulisya.
Dinakip ang mga suspek at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016 sa piskalya. (Dolly Cabreza)
The post Mag-utol tiklo sa tinangay na motorsiklo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments