Mas maraming tumutok sa E.A.T.

Magkakaalaman sa mga susunod na araw kung sino talaga ang mas pinapanood na noon time show sa bansa.

Sa unang araw ng pagbabalik sa telebisyon ng noon time show ng dating mga bumubuo ng ‘Eat Bulaga’ na sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon at mga Dabarkads sa TV 5 ay aminin nating marami ang nag-abang dahil na-miss sila habang ang iba naman ay nakiki-‘marites’ lang.

Pero sa maraming abangers karamihan dito ay mga loyalista talaga ng TVJ at ng Dabarkads kaya ganun kalaki ang kanilang naging followers sa iba’t ibang social media platforms.

Ayon sa ipinangalandakang monitoring ng TV-5 lagpas 10 milyon ang total views sa lahat ng platform sa ‘E.A.T.’ sa kanilang unang araw sa TV5 malayong ‘di hamak sa kanilang mga kasabayan.

Bilang obserbasyon, totoong matatanda na ang mga haligi ng ‘E.A.T.’ pero benta pa rin talaga sa kiliti ng mga Pilipino ang kanilang mga binitiwang mga patawa. Sa katunayan, paulit-ulit na ang ilan sa kanilang mga patawa pero napapahalakhak pa rin nila ang karamihan.
Ang matindi pa karamihan sa mga nanood ng ‘E.A.T.’ kung magbabantay ka sa social media at sa mga viewing party ay medyo may edad na at tila kasama ang kanilang mga apo dahil makikita at mapapanood mo sa mga nagkalat na larawan at videos na nakangiti ang mga bata habang pinapanood ang TVJ at Dabarkads.

Nanibago nga ang marami sa panonood ng ‘E.A.T.’ dahil imbes bumungad ang katatawanan ay naging emosyunal ang lahat na normal lang na pakiramdam lalo na ng mga nagmamahal talaga sa kinagisnang noon time show ng mga Pilipino.
Wala ngang paandar ang ‘E.A.T.’ sa kanilang opening, literal na lipat-bahay ang kanilang drama, pero patok pa rin sa mga followers.

Kaya sa paglipat ng TVJ sa TV5 mukhang aalagwa ng bongga ang TV5 ni MVP.

Sa totoo lang naman hindi ba’t nasa TV5 ang ‘It’s Showtime’ ang tanong ramdam ba ng TV5 na lumakas ang kanilang istasyon? Tinutukan ba ito ng mga Pinoy gaya ng pagtutok sa TVJ, Legit Dabarkads?

Kaya sa tingin ko ay tama ang ginawang sugal ng TV5 na paboran ang TVJ at Legit Dabarkads sa noontime show dahil umi-ere pa naman sa A2Z ang ‘It’s Showtime.’

Sa TVJ hindi nga naman ito tumataya sa dalawang istasyon, hindi naglalaro at may loyalty.

Dahil sa banggaan ngayon ng mga noon time show ay mukhang sisiglang muli ang mundo ng telebisyon kahit sabihin nating mas marami ang nakatutok sa social media.
Sabagay pabor ito sa mga Pinoy sa buong mundo na naghahanap ng pagkakalibangan dahil nawiwindang na sa nagkalat na fake news sa social media.

The post Mas maraming tumutok sa ‘E.A.T.’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments