Mag-utol, insan umiskor sa bebot, timbog

Arestado ng pulisya ang apat na katao, kabilang ang tatlong magkakaanak matapos na tutukan ng baril at hablutin ang cellphone ng isang babae sa Barangay Palampas, San Carlos City, Negros Occidental noong Huwebes.

Kinilala ang mga suspek na sina Michael Toyogan, 42; kapatid nitong si Francisco, 44, pinsang si Jereco Burdago, 38, at kaibigan nilang si John Mar Santa Ana, 39, pawang residente ng Guihulngan City, Negros Oriental.

Ayon kay San Carlos Police chief, P/ Lt. Col. Jesus Mesahon, nagpaputok at tinutukan umano ng baril ni Toyogan at pinagbantaan ang biktima bago hablutin ang cellphone nito noong Miyerkules, Agosto 23.

Matapos ay tumakas si Toyogan kasama ang utol, pinsan at kaibigan sakay ng dalawang motorsiklo.

Naaresto naman ang mga suspek sa follow-up operation matapos silang mamataan na nag-iinuman sa Barangay Palampas noong Huwebes.

Narekober ng mga pulis kay Toyogan ang isang .45 caliber pistol na may anim na bala, extra magazine at ang ninakaw na cellphone.

Nadiskubre rin ng pulisya na may isa pang nagreklamo kay Toyogan sa kasong pagnanakaw. (Dolly Cabreza)

The post Mag-utol, insan umiskor sa bebot, timbog first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments