Swak sa piitan ang isang traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang tutukan ng baril ang mga nag-ingay sa harapan ng kanyang tahanan sa Brgy. Pasong Tamo Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District Holy Spirit Police Station (PS 14) chief, P/Lt. Col, May Genio ang suspek na si Recto Barasi, 40, residente ng Pinkian Village 3, Brgy. Pasong Tamo, QC.
Sa ulat, alas-9:45 ng gabi (August 25), habang nakatambay ang isa sa mga biktimang si Alvin Gunnacao sa harap ng bahay ng suspek ay pumulot ito ng styrofoam at binali.
Bigla na lamang umanong lumabas ng bahay ang suspek at nagalit saka sinabing.. “Gusto nyo pagbabarilin ko kayo dyan?! Ang iingay nyo ah” saka itinutok ang baril kay Gunnacao.
Sa takot ay kumaripas ng takbo si Gunnacao at kasamang dalawang tambay. Nagsumbong sila sa PS 14 na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.
Paliwanag naman ng suspek, nagpapahinga siya dahil pagod sa trabaho, pero habang natutulog ay nagising siya dahil sa ingay. (Dolly Cabreza)
The post Traffic enforcer naingayan, nanutok ng boga first appeared on Abante Tonite.
0 Comments