Tinitingnan ngayon ng Philippine National Police (PNP) na posibleng isang empleyado na may hinanakit sa pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nagpasabog sa parking area ng paliparan.
“May tinitignan na po sila na mga indibidwal at grupo na maaaring may kinalaman. Possibly, isa sa mga tinitignan nila may mga disgruntled na mga indibidwal na nagtatrabaho sa loob,” ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa panayam ng mga mamamahayag.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Fajardo na ang pagsabog ng Molotov bomb ay hindi talaga sinadya upang makapinsala o manakit dahil ito ay isang mahinang uri ng pampasabog.
Noong Sabado, tatlong sasakyan ang nasira ang mga glass shards matapos sumabog ang molotov bomb sa open parking area ng NAIA Terminal 3 bandang alas-9:35 ng umaga.
Nag-iimbestiga na ang Aviation Security Group ng PNP at National Capital Region Police Office sa insidente. Nangalap na rin ng CCTV footage sa lugar upang matukoy ang salarin.
(Dolly Cabreza)
The post Dismayadong empleyado sinisilip sa binombang NAIA carpark first appeared on Abante Tonite.
0 Comments