May 250 kandidato ng Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Abra ang umurong sa pagkandidato.
Kasabay nito, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na bibisitahin ng poll body ang Abra para alamin ang sanhi ng pag-atras ng 250 kandidato sa lugar.
Sinabi ni Garcia na nakatakdang magtungo sa lalawigan sina Executive Director Teofisto Elnas Jr. at Deputy Executive Director for Operations Rafael Olaño upang alamin ang sitwasyon sa Abra.
Nabatid sa ulat ng Comelec regional director, kasama mismo si chief PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., na wala namang pananakot na nagaganap at ang pagwi-withdraw ng mga naturang kandidato ay dahil sa pakiusap ng mga nakatatanda sa kanila.
“Gusto nating alamin ano ang tunay na nangyayari at pangyayari d’yan sa Abra sapagkat ang report sa atin kahapon ng regional director kasama mismo si chief PNP, na wala namang pananakot,” ani Garcia.
Magugunita na noong Oktubre 18, nakatanggap na rin ng ulat ang Comelec na isang kandidato sa pagka-barangay councilor sa Bucay, Abra ang nasawi matapos na barilin. (Juliet de Loza-Cudia/Mina Navarro/ Natalia Antonio)
The post 250 BSKE bet umatras sa laban first appeared on Abante Tonite.
0 Comments