Ramdam ang pagbawas ng mga tao sa mga malalaking siyudad gaya ng Metro Manila, Cebu City at Davao City dahil sa mahabang bakasyon simula ngayong Lunes.
Sa mga ganitong panahon ay dumadagsa ang mga tao sa mga probinsiya upang i-obserba ang Undas kasama ang kanilang pamilya at mahal sa buhay.
Bukod kasi sa taunang Todos Los Santos o Undas ay naisabay ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa buong bansa kaya sa halip na dalawang araw lamang na bakasyon ay napahaba ito ng halos isang linggo kasama na ang weekend.
Bakasyon grande kung tawagin ng mga tao pero hindi lahat ay masaya dahil malaking kawalan sa kita ng mga arawang manggagawa ang ilang araw na walang pasok lalo na sa pribadong sektor.
Bago mag-weekend ay nagsimula nang bumiyahe ang mga tao pauwi sa mga probinsiya at patunay ang maraming mga biyahero sa mga istasyon ng provincial bus, pier sa Manila at sa Batangas, at ang domestic airport.
Aktibo na rin sa pag-inspection at pag-iikot ang mga opisyal mula sa Department of Transportation upang masigurong nakakasunod ang mga tsuper at konduktor ng provincial buses, pati na ang kanilang kompanya sa mga panuntunan at pag-iingat para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Sa tuwing sasapit ang ganitong panahon ay hindi maiiwasan ang mga nagsasamantala kaya dapat na maging alerto ang mga pasahero laban sa mga mandurukot at mga salisi gang upang hindi matangay ang mga bagahe at malimas ang baon na pera.
Bagamat maraming nakakalat na mga pulis at volunteer groups sa mga terminal, madiskarte at matitinik ang mga alagad ni “Mando” kaya hindi dapat maging kampante ang mga biyahero.
Maagang nakapaghanda ang mga ahensiya ng gobyerno para sa Undas kaya dapat lang na gawin ng publiko lalo na ng mga biyahero ang kanilang parte para sa maayos na paglalakbay.
Taon-taon na itong ginagawa ng sambayanan kaya sana lang ay maging responsable ang lahat upang maiwasan ang mga disgrasya at aberya sa kalsada.
Sino ba naman ang hindi excited sa mahabang bakasyon, pero may iilang mga sektor ng lipunan na hindi kasama sa ganitong okasyon dahil sila ang tinatawag na “frontliners” kaya serbisyo muna bago magsaya.
Sana lang maging makabuluhan ang mahabang bakasyon ng mga tao ngayong katapusan ng Oktubre hanggang mga unang araw ng Nobyembre, gugulin ang panahon sa mga mahal sa buhay sa halip na barkada at bisyo.
Hindi naman kaila na kapag may mga ganitong bakasyon ay mas marami ang nagpupunta sa mga tourist destination, beach at iba pang lugar kaysa piliing umuwi sa kani-kanilang pamilya.
Hangad ko ang masayang bakasyon ninyo, pero samahan ito ng pag-iingat at dasal upang maging maayos at matiwasay ang inyong long weekend.
The post Bakasyon grande ng mga Pinoy first appeared on Abante Tonite.
0 Comments