Sarhento umawat sa bully, tinaga

Malubhang nasugatan ang isang pulis matapos tagain sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ng binata na inawat lamang ng una sa pambu-bully sa mga dumaraang motorista sa Quezon City nitong Huwebes.

Ang biktima ay si P/SSg. Mark Jerome Baltazar, 35, ng San Jose Del Monte Bulacan, nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Section at sumasailalim sa mandatory schooling of Public Safety Junior Leadership Course (PSJLC).

Agad namang naaresto ang magkapatid na suspek na sina Joven Dalusong, 29, binata, at Jowen Dalusong, 31, binata, ng Novaliches, QC.

Sa report ng Quezon City Police District, Pasong Putik Police Station, alas-7:25 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Sampaguita St., at Malipaka, sa Brgy. Pasong Putik Proper.

Sa imbestigasyon nina PCpl Mark Jeneson P Castillo at PCpl Richard Erick Corpuz, naka-assign bilang beat patroller sa PS-16 si Baltazar para sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Election sa October 30. Habang kasama ni Baltazar ang ka-buddy na si PSSg Bryan Mirandilla ay isang concerned citizen ang nagsumbong sa kanila na binubugbog umano ni Joven ang mga motoristang dumadaan sa kalsada. Agad nagresponde ang dalawang pulis at napayapa si Joven at pinauwi.

Gayunpaman, makalipas ang ilang minuto ay bumalik si Joven na armado na ng itak at pinagtataga ang pulis at pagkatapos ay agad na tumakas.

Nagsagawa ng hot pursuit operation sina PSSg Eugenber Paran, PCpl Abner Perdigon, Pat Marlon Bitoy at Pat Geoderick Jim Marquez at pinuntahan sa bahay si Joven. Pero nang aarestuhin ay humarang si Jowen kaya kapwa binitbit ng mga pulis ang magkapatid.

Isinugod naman sa Commonwealth Hospital ang pulis at kalaunan ay inilipat sa PNP General Hospital Camp Crame kung saan patuloy pa siyang inoobsebahan. (Dolly Cabreza)

The post Sarhento umawat sa bully, tinaga first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments