DENR kinakasa research station sa Pag-asa Island

Pinag-aaralan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang planong pagtatayo ng marine research station sa Pag-asa Island.

Kasunod ng kanyang pagbisita sa isla, sinabi ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na tinalakay ng kagawaran at ng mga partner group nito ang mga plano sa Pag-asa Island at mga kalapit na lugar.

Binisita ni Loyzaga at ng isang team ang research station ng University of the Philippines-Marine Science Institute (UP-MSI) sa isla para tingnan ang mga durog na coral na nagkalat sa dalampasigan.

Kasama ni Loyzaga na bumisita sa Pag-asa Island sina Kalayaan Mayor Roberto Del Mundo, Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command chief Vice Admiral Alberto Carlos, at ang mga UP-MSI expert na sina Dr. Fernando Siringan, Dr. Jose Fernando Alcantara at Dr. Rolando Tolentino.

Nagkaroon ng talakayan tungkol sa mga planong gawin sa Pag-asa Island.

“Ang talakayan ay tungkol sa environmental sustainability ng isla at ang pananaliksik na kailangan para sa pag-unawa sa marine environment at halaga ng mga ecosystem na ito sa mga kabuhayan, food security sa Pilipinas at rehiyon, at ang pandaigdigang pangangailangan upang matiyak ang climate regulatory functions ng karagatan. Dahil sa mga implikasyon, kailangan talaga nating tukuyin ang ecological boundary kaysa administrative lines,” paliwanag ni Loyzaga.

Nagsagawa rin ang research team na kasama ni Loyzaga ng oceanographic survey bilang bahagi ng periodic monitoring sa kapaligiran ng Pag-asa Island.

Nakarating din sila sa Sandy Cay 2, isang maliit na isla na dalawang milya lamang ang layo mula sa Pag-asa Island, upang suriin ang mga durog na korales na nagkalat sa dalampasigan doon. (Carl Santiago/Riz Dominguez)

The post DENR kinakasa research station sa Pag-asa Island first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments