Ligtas at walang sinumang nasugatan sa mga estudyante na pawang nag-educational trip sa Tagaytay City sakay ng isang tourist bus nang ito ay nasunog, Huwebes ng umaga.
Mismong si Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino ang maagap na dumating sa pinangyarihan ng insidente at umalalay sa mga estudyante ng Sacred Heart Academy, Sta. Maria, Bulacan.
Sa ulat ni Police Master Sergeant Darwin Q Jaime ng Tagaytay City Police, alas-10:00 kahapon ng umaga nang maganap ang insidente.
Minamaneho ni Ryan Costales y Layderos, 31, ang Daewoo Tourist Bus na may plakang NDE 1433 sa Tagaytay-Calamba Road, sakay ang mga estudyante ng Sacred Heart Academy, Sta. Maria, Bulacan,
na patungo sana sa Peoples Park subalit pagsapit sa isang matarik at kurbadang bahagi ng kalsada sa Brgy. Iruhin East, Tagaytay City ay nakaramdam ang driver ng pagpalya sa makina hanggang sa napansin na rin ang usok na nagmula sa likurang bahagi ng sasakyan kaya itinigil nito. Ilang saglit lang ay napansin din na umaapoy na ito.
Bago tuluyang nasunog ang sasakyan, maayos na nakababa lahat ang mga estudyante na pasahero nito.
Mabilis namang nagresponde ang Tagaytay City Bureau of Fire Protection (BFP) kung saan alas-10:40 ng umaga nang ideklara itong fire-out ni FO1 Carl Michael Imperial.
Agad ding nagtungo si Tagaytay City Mayor Abraham `Bambol’ Tolentino sa lugar at sinamahan ang mga estudyante sa Tagaytay Picnic Grove kung saan pinakain at pansamantalang nagpahinga.
Walang naiulat na nasugatan sa insidente.
(Gene Adsuara)
The post Bus nagliyab sa field trip first appeared on Abante Tonite.
0 Comments