Mayroong napansin umano si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa mga Duterte kapag kinukuwestyon ng publiko ang kanilang mga ginagawa.
Ayon kay Castro, nang tanungin si Vice President Sara Duterte kaugnay ng paggastos ng P125 milyong confidential fund sa loob ng 11 araw noong 2022, ang sinagot umano nito ay kalaban ng bayan at ng kapayapaan ang mga tutol sa confidential fund.
Nang ilipat ng Kamara de Representantes ang confidential fund ni VP Duterte at tinanong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay nito, ang sagot umano ng dating lider ng bansa ay gagamitin ito laban sa mga komunista at pinagbantaan pa ang kanyang buhay, ayon kay Castro.
Sa tanong umano kay Davao City Rep. Paolo Duterte kaugnay ng reklamong inihain laban kay dating Pangulong Duterte ang sagot nito ay huwag mag-drama at magpa-media at tulungan ang mga biktima ng New People’s Army.
“Sa pattern na ito ay makikita na hindi sinasagot ng mga Duterte ang mga isyung tinatanong sa kanila at madalas ay gina-gaslight sa pamamagitan ng red-tagging at ang biktima pa ang sinisisi,” sabi ni Castro.
Iginiit ni Castro na dapat ipaliwanag ng mga Duterte kung paano nila ginamit ang mga confidential fund kasama na ang bilyong-bilyong inilaan dito ng pamahalaang lokal ng Davao City.
“Ito po ang mga tinatanong ng taumbayan at dapat sagutin ni VP Duterte, dating Pangulong Duterte at maging si Rep. Duterte na din dahil vice mayor siya ng Davao ng ilan sa mga taong nabanggit. Huwag na po sanang ilihis o guluhin pa ang isyu,” dagdag pa ni Castro. (Billy Begas)
The post Mga Duterte nililihis isyu `pag nakokorner – Castro first appeared on Abante Tonite.
0 Comments