Mga supporter ng 2 kandidato nagbardagulan sa vote buying

Naglabo-labo at nagkademandahan ang mga supporter ng dalawang naglalabang kandidato sa pagkakapitan sa Barangay, Sampaga, Balayan, Batangas dahil umano sa vote buying at pamimigay ng bigas ng mga supporter ng isa sa mga kandidato.

Ayon sa report ng Balayan police, ang mga nasangkot sa kaguluhan ay sina John Kenneth Valencia, Reynor Navalez at John Mark Mapalad na pawang tagasuporta ng kandidatong si Joel Mapalad.

Sa imbestigasyon, alas-7:40 ng gabi, nasa headquarters ni Mapalad ang kanyang mga bataan nang makita nila ang driver na si Guilbert Comia na pasakay sa mini dump truck na may lamang mga balot-balot na plastic bag ng bigas.

Bintang ng mga supporter ni Mapalad na ipamamahagi ni Comia at ng mga kasama nito na sina Harold Matira, 35, isang nurse at Analiza Arellano ang mga bigas sa mga botante.

Ang tatlo ay mga supporter naman umano ng incumbent barangay captain na si Marites Dionido Ilagan na kalaban ni Mapalad.

Pinigilan nila ang driver at nagkaroon ng pagtatalo na nauwi sa pambubugbog ng mga supporters ni Mapalad sa nasabing driver.

Matapos ang pangyayari, nagharap ng kaso ang nabugbog na driver. Nagkontra demanda naman ang kandidatong kapitan na si Mapalad. (Ronilo Dagos)

The post Mga supporter ng 2 kandidato nagbardagulan sa vote buying first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments