30 bayan `red warning’ na sa baha

Binaha ang ilang bahagi ng Eastern at Northern Samar dahil sa malakas na pag-uulan dulot ng shear line.

Ayon sa PAGASA, nasa red warning level na ang 10 bayan sa Eastern Samar, 12 sa Samar at walo naman sa Biliran.

Nangangahulugan ito ng pag-ulan na higit sa 30mm sa loob lamang ng isang oras, o kaya ay higit 65 mm na pag-ulan sa loob ng 3-oras.

Libu-libong pamilya na ang inilikas kasunod ng mga matinding pagbaha. Ang ilang bahay, inabot na rin ng mataas na tubig. Apektado na rin ng matinding pagbaha ang ilang negosyo. May mga linya rin ng kuryente ang nagbagsakan.

Stranded naman at hindi na makadaan ang mga residente sa Sitio Naperes, San Roque Northern Samar dahil sa matinding pagbaha sa National Highway. Suspendido na rin ang klase sa ilang eskwelahan.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Northern Samar, halos 400,000 katao na ang apektado ng matinding pagbaha.

Kabilang dito ang bayan ng Catubig, Lope De Vega, Bobon, Catarman, Rosario, Silvino Lubos, Mondragon, Pambujan, San Roque, Las Navas, Palapag, Gamay at Lapinig.

(Natalia Antonio)

The post 30 bayan `red warning’ na sa baha first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments