Katrabaho bastos kay utol, tinadtad ng saksak

Dead on the spot ang 33-anyos na carwash boy nang pagsasaksakin ng kanyang katrabaho na kuya ng babae na umano’y binastos ng una sa Quezon City, nitong Lunes ng umaga.

Sa report ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), bandang alas-6:00 ng umaga (November 20) nang matagpuang wala ng buhay sa Brix Pitstop Carwash sa No. 18 Pontiac St., Brgy. Greater Fairview, Quezon City, ang biktimang si Justin Mendoza, 33.

Nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inginuso naman si Rodolfo Hinalas, Jr., 23, residente ng Lumantad Compound, Greater Fairview, kasamahan sa trabaho ng biktima na siyang may kagagawan ng krimen.

Una dito, sinabi ng imbestigador na si SSg George Caculba, nagsumbong umano ang isang nakilalang Joy sa kapatid niyang si Hinalas na binastos umano ni Mendoza habang nalalakad sa Regalado St., kamakailan.

Agad na pinuntahan ng suspek ang biktima sa pinagtatrabahuhan at pinagsusuntok ang katrabaho pero naawat at napagkasundo naman ang dalawa ng kanilang employer.

Nitong Linggo ng gabi, nag-inuman ang dalawa nang maungkat ang pambabastos ng biktima sa babaeng kapatid ng suspek.

Sa gitna nang pagtatalo, ay hindi na umano nakapagpigil pa ang suspek at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima.

Nang makitang duguan at wala nang buhay si Mendoza ay agad na tumakas ang suspek. (Dolly Cabreza)

The post Katrabaho bastos kay utol, tinadtad ng saksak first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments