General, PNP-DEU yari sa P6.7B shabu sabwatan

Inirekomenda ng House committee on dangerous drugs na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga pulis na sangkot umano sa ilegal na operasyon at tangkang cover-up sa nakumpiskang 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa isang lending company sa Maynila noong 2022.

Inaprubahan ng chairperson ng komite na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mosyon na iendorso ang kanilang report sa plenaryo matapos na walang tumutol dito.

Batay sa 32 pahinang committee report, inirekomenda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165) laban kina PMSg Rodolfo Mayo Jr., lahat ng miyembro ng PNP-Drug Enforcement Unit-SOU4A na pinamumunuan ni PLt Jonathan Sosongco, PSMS Jerrywin Rebosora, PMSg Lorenzo Catarata, Capt. Randolph Piñon, at Patrolman Mario Atchuela Jr.

Inirekomenda rin ng komite ang pagsasampa ng kasong obstruction of justice at graft laban kina Brigadier General Narciso Domingo, Col. Julian Olonan, Lt. Col. Arnulfo Ibañez, at Major Michael Angelo Salmingo dahil sa pagsasabwatan umano sa pagpapalabas kay Mayo.

Pinasasampahan din ng kasong administratibo ng komite sina Sosongco at kanyang buong team, Rebosora, Catarata, Domingo, Olonan, Ibañez, Salmingo, Piñon, Atchuela, at iba pang pulis na sangkot umano sa operasyon subalit hindi nabanggit sa pagdinig kung meron man.

Nakapaloob sa committee report na nagkaroon ng recycling ng droga na nag-ugat mula sa nakumpiskang 990 kilong shabu.

“Some law enforcement officers are engaged in the reprehensible act of illegal drug recycling. This unlawful conduct involves police officers seizing dangerous drugs during operations, only to divert them back into the illegal market for personal gain,” ayon sa report.

Bibigyan ng komite ng kopya ng ulat nito ang Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Police Commission (Napolcom), Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman para sa kanilang kaukulang aksyon.

(Billy Begas/Eralyn Prado)

The post General, PNP-DEU yari sa P6.7B shabu sabwatan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments