Nanalong kagawad tinodas ng pinsan

Patay ang isang bagong iprinoklamang kagawad ng barangay sa Midsayap, Cotabato matapos na barilin ng kaniyang pinsan nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ni Lieutenant Colonel John Miridel Calinga, hepe ng pulisya sa bayan ng Midsayap, ang biktima na si Suharto Antilino, bagong proklamadong barangay kagawad Poblacion 3.

Sa report, bandang dakong 9:30 ng umaga (November 1) nang barilin ng kaniyang pinsan (pansamantalang hindi binanggit ang pangalan) ang 35-anyos na biktima.

Ayon sa mga nakasaksi, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ni Antilino at ng kanyang pinsan bago ang pamamaril.

Nakatakbo pa umano si Antilino ngunit hinabol siya ng pinsan at binaril sa ulo.

Agad na isinugod sa kalapit na ospital ang biktima pero idineklara na siyang dead on arrival.

Nasamsam ng mga otoridad ang isang basyo ng bala ng .45 pistol sa pinangyarihan ng krimen.

Sinabi ni Calinga na ang pamamaril ay hindi nauugnay sa halalan at ito ay dahil sa “personal na sama ng loob” sa pagitan ng biktima at pinsan.

The post Nanalong kagawad tinodas ng pinsan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments