Pinalalabas ng Taguig City Police na walang indikasyon ng ‘foul play’ sa kaso ng dalawang girl scout na natagpuang patay sa loob ng pampublikong paaralan sa lungsod noong Biyernes nang gabi.
Ito ay sa kabila na wala pang resulta ang awtopsiya sa bangkay ng dalawang estudyante na sina Irish Sheen Manalo, 13, at Mary Nicole Picar, 15.
Ayon kay P/Col Robert Baesa, hepe ng Taguig police, tinanggap naman ng pamilya nina Manalo at Picar ang kanilang paliwanag na walang foul play sa pagkamatay ng mga ito.
“The initial evidence gathered by the Philippine National Police-Taguig and the Scene of Crime Operation (SOCO) do not indicate foul play in the deaths of two female high school students whose lifeless bodies were discovered almost midnight of Friday, Nov 10, at Signal Village National High School,” ayon kay Baesa.
“Hinihintay pa namin ang resulta ng crime lab pero sa initial investigation, wala kaming nakita na foul play,” paliwanag ng opisyal
Natagpuang patay sina Manalo at Picar sa loob ng Girls Scout mini office sa ikatlong palapag ng Magsaysay Building ng Signal Village National High School (SVNHS) sa Barangay Central Signal bandang alas-onse nang gabi.
Kinabukasan, naglabas agad ng pahayag ang Taguig police na nagdedeklara na base sa inisyal na ebidensya, walang foul play sa pagkamatay nina Manalo at Picar.
Ayon sa pulisya, isang testigo na kinilalang si Danielle, 16, estudyante, ang huling nakakita sa dalawa pagkatapos nilang sabihin sa kanya na umuwi sila bandang alas 7:45 nang gabi taliwas sa nalaman nito sa kanilang chat group na hindi umuwi ang dalawa kaya agad nilang hinanap ang mga ito.
Bumalik si Danielle sa paaralan at doon niya nakita na nakabigti ang dalawa sa isang bakal na grill sa opisina ng Girls Scout.
Kaugnay nito, hinimok ng Taguig police ang publiko na iwasang gumawa ng mga haka-haka na maaaring magpalala sa sitwasyong nararanasan ng mga nagdadalamhating pamilya.
Nangako naman ang Department of Education (DepEd) na makikipagtulungan sila sa pulisya sa imbestigasyon upang malaman ang katotohanan sa nangyari sa dalawang estudyante.
“The Department of Education (DepEd) is immensely saddened by the loss of two of our learners from Signal Village National High School (SVNHS). The DepEd fully commits to cooperate with the PNP Taguig regarding this matter, and is committed towards the swift and expeditious conduct of the ongoing investigation,” batay sa inilabas na pahayag ng DepEd.(Dolly Cabreza)
The post Walang foul play sa 2 estudyante ng Taguig-PNP first appeared on Abante Tonite.
0 Comments