BJMP hahasain mga preso sa trabaho

Ikinakasa ngayon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kasunduan sa ilang ahensiya ng gobyerno upang tulungan ang mga preso o persons deprived of liberty (PDL) na matuto ng hanapbuhay.

Nais ng BJMP na magkaroon ng kasanayan ang mga bilanggo na kanilang magagamit kapag nakalaya na at para hindi na muling bumalik pa sa bilangguan.

Ayon kay BJMP Director Ruel Rivera, nagkaroon na sila ng kasunduan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong nakaraang buwan para sa isang programa upang turuan ang mga PDL ng kasanayan na maaari nilang magamit para makapasok sa trabaho kapag nakalaya.

“So mayroon ho kaming mga programa diyan para ho itong ating mga nakapiit ay bigyan natin ng employable skills – habang nandoon ho sila ay tinuturuan sila [to become] an electrician or sa mga handicraft making – iyon na ho, doon na ho kami pumupunta,” sabi ni Rivera.

“By next week ho ay magkakaroon naman kami ng pirmahan with the DOLE (Department of Labor and Employment) na paglabas ho nila sa komunidad sila ay mabigyan ng trabaho,” ayon sa opisyal.

Ibinida pa ni Rivera na mayroon na silang napagtapos sa kolehiyo dahil sa mga programa ng BJMP tulad aniya ng “college behind bars”.

“Mayroon na ho kaming napa-graduate na pitong kolehiyo tawag ho namin diyan ‘college behind bars’ at pinaiigting pa ho namin. Ngayon ho mayroon na ho kaming pakikipag-ugnayan at pito na hong kolehiyo sa buong Pilipinas ang nagbibigay ho ng libreng pag-aaral sa kolehiyo doon ho sa mga nakapiit,” dagdag pa ni Rivera.

Layunin aniya ng mga ganitong programa na matugunan ang problema sa mga dating PDL na bumabalik sa bilangguan.

“So, iyon, doon ho kami tumututok ngayon kasi nakakaano ho kumbaga ang BJMP ho ay naiisip namin ‘Bakit ganito kataas ang reoffending?’ Baka kailangan ng programa na habang sila ay nakapiit ay bigyan sila doon na programa,” paliwanag ni Rivera.

(Prince Golez)

The post BJMP hahasain mga preso sa trabaho first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments