DILG inalarma 5 beach resort sa rehab mala-Boracay

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan sa limang pangunahing beach resort sa bansa na dinarayo ng mga turista para tugunan ang kalidad ng tubig at ayusin ang solid waste management sa mga nabanggit na lugar.

Ginawa ito ni DILG Secretary Benhur Abalos sa isang pulong nitong Biyernes (Enero 14) kung saan dumalo siya at sina Tourism Secretary Christina Frasco, Health Secretary Teodoro Herbosa at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga.

Kasama nila sa pulong ang mga local chief executive mula sa limang tourist destination sa bansa na tinaguriang Green Model Economy (GEM) sites. Kabilang dito ang El Nido at Coron sa Palawan, Panglao sa Bohol, Puerto Galera sa Oriental Mindoro, at Siargao Island sa Surigao del Norte.

Nagpahayag ng pagkabahala si Abalos na baka maharap ang limang GEM sites sa parehong sitwasyon dati ng Boracay Island na pansamantalang ipinasara sa mga turista at isinailalim sa rehabilitasyon.

Ito’y kapag hindi aniya natugunan ng kaukulang hakbang ang mga hamon sa kalidad ng tubig at solid waste management sa mga naturang lugar sa loob ng anim na buwan.

Itinuturing ang nabanggit na limang GEM sites bilang mga pangunahing tourist destination sa bansa na masusing binabantayan ng mga pambansang ahensiya ng gobyerno tulad ng DENR ang water resource management, solid waste management, land use planning, pagpapatupad ng easement zones, at public-private partnership.

Kaugnay nito, hinimok naman ng DENR chief ang mga kasamahan sa gabinete na magtulungan sila upang pag-usapan ang mga agarang aksyon at hakbang upang tugunan ang mga pangunahing isyung pangkapaligiran sa mga tourist destination sa bansa.

The post DILG inalarma 5 beach resort sa rehab mala-Boracay first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments