Kapitana kinuyog, 4 niresbakan

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang apat na katao kabilang dito ang tatlong babae, na kumuyog sa isang punong barangay sa Tondo, Maynila kahapon nang madaling-araw.

Sinampahan ng kasong Direct Assault, Physical Injuries, paglabag sa Art. 155 o Alarm and Scandal ng Revised Penal Code at paglabag sa City Ordinance No. 5555 o Drinking in Public Places ang mga suspek na sina Rica Mae Tubang y Sison, 23-anyos, at Denice Ondevilla, 19, kapwa ng Juan Luna St.; Richelle Mae Valenzuela, 21; at Richmond Carl Valenzuela, kapwa taga-Serrano St., Tondo.

Sa reklamo ni Aurea Marie Fernandez, 31, kapitana sa Brgy. 158, Zone 14 at residente sa South Trinidad St., Tondo, pauwi na siya kasama ang pamangkin na si Renee Rose Valenzuela nang madaanan nila ang grupo ng mga suspek habang nag-iinuman sa kalsada bandang alas-4:30 nang madaling-araw sa Serrano St.

Nilapitan umano siya ni Richelle Mae at sinita tungkol sa usapan sa isang group chat.

Nagtalo ang mga ito hanggang mauwi sa pisikal na away kung saan binato ng bote ng ibang suspek ang biktima. Sinabi ni Fernandez na minura rin siya ng mga ito at pinagbantaan na pagtutulungan siya ng mga ito.

Sinikap ng biktima na kumalma pero hindi umano siya tinantanan ng grupo kaya nagtungo siya sa Tayuman Police Community Precinct at inireklamo ang mga suspek. Inaresto ang mga suspek at kinasuhan sa piskalya.

(Juliet de Loza-Cudia)

The post Kapitana kinuyog, 4 niresbakan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments