Cynthia Villar nilabas na `baraha’ kontra Cha-cha

Isinapubliko na kahapon ni Senador Cynthia Villar ang kanyang ‘No’ vote sa isinusulong na Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 ng Senado para sa pag-amiyenda ng economic provisions ng Saligang Batas.

“Oo, decided na ako, alam ko na boto ko,” tugon ni Villar nang tanungin kung desidido na ito bumoto kontra sa Charter change (Cha-cha) oras na isalang na ito sa botohan ng mga senador.

Bukod dito, naniniwala rin si Villar sa sinasabi ng kasamahang si Senador Risa Hontiveros na may tsansang makakakuha ng pitong boto sa Senado kontra sa Cha-cha.

“Yes, may chance,” wika ni Villar sa panayam ng DWIZ.

Kapag nakakuha umano ng pitong boto kontra sa Cha-cha ay awtomatikong maituturing na ibinasura ang resolusyon.

Paliwanag naman ni Villar, wala siyang nakitang dahilan upang amiyendahan ang 1987 Constitution kung ang layunin lamang ay ang luwagan ang ekonomiya dahil maaari naman itong idaan sa pamamagitan ng mga batas tulad umano ng amiyenda sa Public Services Act na kasalukuyang kinuwestiyon sa Korte Suprema.

Pangamba ni Villar na oras na binuksan ang Konstitusyon ay walang nang makakapigil kung ano ang iba pang gustong amiyendahan taliwas sa sinasabing nakatutok lamang ang Cha-cha sa economic provisions.

(Eralyn Prado)

The post Cynthia Villar nilabas na `baraha’ kontra Cha-cha first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments