Tapos na ang Semana Santa. Balik na ulit sa Metro Manila ang daang libo nating mga kababayan na nagbakasyon kasama na ang inyong lingkod.
Anuman ang porma ng paggunita spiritual at pagsasaya o kombinasyon ng dalawa, isa lang ang pakahulugan, ang sambayanang Filipino ay nakiisa sa pamayanang Kristiyano sa sakripisyo ng Poong Hesukrisristo dahil sa kahinaan ng tao.
Dahil tapos na ang okasyon balik na ulit tayo sa totoong mundo.
Kayod na naman. Kailangang mabawi ang ginastos sa katatapos na okasyon.
Ipinangutang o cash advance man, galing man sa “Bumbay” o loan shark kailangang mabayaran.
Yan ang buhay Filipino anumang okasyon, tulad ng katatapos na Mahal na Araw, parating na kapistahan at pasukan, ganon na rin ang araw ng mga patay, Pasko at Bagong Taon, pinaghahandaan at kuwalta ang kailangan.
Nairaos ang mahal na araw kahit na ang inaasahang legislated wage increase ay hindi pa rin naaksiyonan ng mga mambabatas.
At dahil sanay na ang publiko sa mataas na halaga ng bilihin nakakatawid pa rin dahil madiskarte ang mga Pinoy.
Kalbaryo man ang buhay ng mga nakakarami sa atin, nakakaraos pa rin.
Dahil nga sa angking katangian ng mga Filipino na pagiging matatag, masayahin at maka-Diyos, anumang unos, kalamidad na gawa man ng tao o natural, nakakatawid pa rin.
Harinawa sa pagbabalik sa Metro Manila ng mga nagtungo sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay maging maayos at matiwasay ang kanilang bihaye.
Sa kabila ng pahayag ng Department of Transportation o DoTr at ibang ahensiya ng pamahalaan kaugnay sa Oplan Summer Vacation na ayos ang latag ng paghahanda, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nakaranas ng inconvenience lalo na sa mga pantalan.
Tulad sa Port of Dumaguete ang biyahe ng mga sasakyang pandagat patungo sa Cebu, Tagbilaran at Siquijor ay naantala dahil sa dagsa ng mga pasahero.
Maaga pa lamang ay marami na ang pasahero sa Port of Dumaguete, subalit hindi agad nakabiyahe sa takdang skedyul dahil ang mga tauhan ng Port of Dumaguete – officer on duty – ganon na rin kawani ng Philippine Coast Guard ay hinintay pang dumating para sa foto oppurtunity – documentation daw.
Tama ang paalala ng mga otoridad iplano ang biyahe at magbaon ng mahabang pasensiya dahil paglabas mo ng Metro Manila ang daming sorpresa.
Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa lahat!
The post Maligayang Pasko ng Pagkabuhay first appeared on Abante Tonite.
0 Comments