Ninakaw na mga pulpit panel pinasosoli sa Boljoon Church

Naghain ng resolusyon ang isang kongresista upang ipasoli sa National Commission for Culture and Arts (NCCA) at National Museum of the Philippines ang apat na pulpit panels na ninakaw umano sa Archdiocesan Shrine of Patrocino de Maria Santisima na kilala rin bilang Boljoon Church na matatagpuan sa Cebu.

Sa House Resolution 1601, iginiit ni Cebu Rep. Edsel Galeos ang kahalagahan ng mga panel sa kultura at kasaysayan ng Boljoon.

“It must therefore be restored where it rightfully belongs,” sabi ni Galeos sa resolusyon.

Ang Boljoon Church ay itinayo noong 1783 at isa sa pinakalumang simbahan sa Cebu. Idineklara itong National Historical Landmark noong 1999, isang National Cultural Treasure noong 2001, at ikinokonsidera na maisama sa World Heritage List, ayon sa resolusyon.

Noong Enero 1988, ang apat na panel na nagpapakita ng apat na Doctors of the Church ay ninakaw mula sa pulpito. Hindi na nakita ang mga ito hanggang noong Pebrero 13, 2024 kung kailan ipinagdiwang ng National Museum of the Philippines ang pagtanggap nito ng mga panel bilang donasyon ng mag-asawang Edwin at Aileen Bautista. (Billy Begas)

The post Ninakaw na mga pulpit panel pinasosoli sa Boljoon Church first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments