Higit P1 taas-presyo sa krudo, gasolina, kerosene

Magpapatupad ngayong Martes, Abril 8, ng malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Base sa abiso ng mga kompanya ng langis, magkakaroon ng P1.55 taas-presyo sa kada litro ng krudo habang P1.10 sa gasolina samantalang P1.40 naman sa kerosene.

Epektibo ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo alas-sais ng umaga.

Samantala, inihayag ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na asahan pang tataas ang presyo ng langis sa mga susunod na buwan sanhi ng mataas na demand ng China, India at Estados Unidos na tatlo sa mga pangunahing komukonsumo ng petrolyo sa buong mundo

Nakadagdag pa umano ang production cut na ipinatupad ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) na 2.2 milyong bariles kada araw.

Nakahanda naman umano ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na muling magbigay ng fuel subsidy sa mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan kung aabot sa P80 kada bariles ang magiging presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, nakahanda silang mamahagi ng ayuda sa sandaling i-download ng Department of Transportation (DOTr) ang pondo.

Sa ilalim ng fuel subsidy, tatanggap ng tig-P10,000 ang mga modern jeepney habang P6,500 sa traditional jeepney samantalang P1,500 sa tricycle at P1,000 sa mga delivery rider.

Nabatid na sa inaprubahang 2024 national budget, nasa P1.6 bilyon ang inilaan para sa fuel subsidy. (Betchai Julian/Dolly Cabreza)

The post Higit P1 taas-presyo sa krudo, gasolina, kerosene first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments