Pormal nang kinansela ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kasunduan nito sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na pinayagang manirahan ang mga miyembro sa Sitio Kapihan sa Socorro, Surigao del Norte.
Itinuturing na isang kulto diumano ang SBSI o Socorro group na pinamumunuan ni Jey Rence Hilario na tinatawag ng mga miyembro nito bilang “Senior Agila”.
Sabi ng DENR, kinansela ang kasunduan dahil nilabag ng SBSI ang mga probisyon tulad ng pagtatayo nito ng mga settlement at mga bahay at mga checkpoints pati na ng wave pool, recording studio, radio station at iba pa sa 353 ektaryang Siargao Island Protected Landscape and Seascape sa Surigao del Norte.
Pinirmahan ni DENR Secretary Maria Antonio Yulo-Loyzaga ang kautusang nagkakansela sa Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) noong Abril 4, 2024.
Dahil sa kanselasyon ng kasunduan, dapat nang umalis ang mga miyembro ng Socorro group sa lugar at gibain ang kanilang mga itinayong bahay. Bibigyan naman sila ng sapat na panahon para anihin ang kanilang mga pananim sa lugar. (Eileen Mencias)
The post Socorro group ni Senior Agila pinalayas sa Sitio Kapihan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments