Tinabla ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng travel restriction dahil sa mino-monitor na tatlong bagong variant ng COVID-19.
“There is no scientific basis for travel restrictions to any country because of an increase in COVID-19 cases,” ayon sa statement ng DOH.
Binanggit pa ng kagawaran na nakikipag-ugnayan na sila Bureau of Quarantine gayundin sa mga international health authorities, at masusi ring binabantayan ang ‘points of entry nationwide’.
Pinaalalahan din ng DOH ang mga medical facilities na obligado silang mag-report sa mga kaso ng coronavirus “whether tested by PCR or rapid antigen test,” sa pagsasabing ang datos ay makakatulong sa pagbuo nila ng desisyon.
May tatlong bagong variants na kinilala bilang ‘FLiRT’ variants ang mino-monitor ngayon ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa COVID-19 Epidemiological Update ng WHO, ang tatlong Variants Under Monitoring (VUM) ay ang JN.1.18, KP.2 at KP.3. na pawang ‘descendants’ ng JN.1.
Tinawag na FLiRT variants ang KP.2 at KP.3 ng mga researcher para maipaliwanag ang pagbabago ng amino acid sa COVID-19 virus spike protein, mula sa phenylalanine (F) sa leucine (L) sa position 456, at mula sa arginine (R) papunta sa threonine (T) sa position 346.
Gayunman, naobserbahan ng WHO na walang kasalukuyan naiulat na laboratory o epidemiological reports na nagpapakita ng asosasyon sa pagitan ng VUM at pagtaas ng paglala ng sakit.
Samantala, patuloy na imo-monitor ng DOH ang anumang COVID-19 case at bagong mga variants alinsunod sa international development.
Kaugnay nito, nanatili na nasa low risk ang lahat ng rehiyon sa bansa sa COVID-19.
Ayon sa DOH na may 125 kaso ng COVID-19 ang namo-monitor sa bansa kada araw. (Juliet de Loza-Cudia)
The post DOH tinabla travel restriction sa bagong COVID variant first appeared on Abante Tonite.
0 Comments