Totoo at hindi haka-haka ang nagpapatuloy na problema ng kahirapan sa Pilipinas.
Ito ang mariing iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos sabihin ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na haka-haka lang umano ng mga Pinoy ang paniniwala na naghihirap sila.
Sa isang press briefing, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na sinisikap ng pamahalaan at ng ahensiya na ibaba sa single digit ang antas ng kahirapan sa bansa.
“Kami sa DSWD, naniniwala kami na patuloy ang laban natin sa kahirapan. Kaya nga patuloy kaming humuhubog ng iba’t ibang programa para maibsan ang kahirapan ng ating taumbayan at tuluyang mawakasan,” wika ni Gatchalian.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Raymond Palatino na maraming anyo ang kahirapan at hindi na kailangan pa ng ebidensya para mapatunayang totoo ito.
Sinabi ni Palatino na pinatunayan lamang ni Gadon na hindi siya karapat-dapat sa kanyang posisyon na nakatutok mismo sa usapin ng kahirapang kinakaharap ng mga Pilipino sa bansa. (Vincent Pagaduan)
The post DSWD pumalag sa mga `haka-haka’ ni Larry Gadon sa kahirapan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments