Kasabay ng pagbubukas ng bago at mas pinalaking passenger terminal ng Batangas Port noong Abril 26 na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inanunsyo ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang mga karagdagang proyektong dapat pang abangan sa ahensiya.

Ayon kay Santiago, bukod sa inaasahang 300,000 tourist arrival mula sa mga cruise ship na dadaong ngayong taon, kasado na rin ang mga cruise-dedicated passenger terminal na bubuksan ng PPA bago magtapos ang taon gaya ng Siargao Port at Coron cruise terminal sa Palawan sa mga susunod na taon.

“Other than mga ports na ini-improve natin, nagko-construct na tayo ngayon ng mga dedicated cruise terminals `no, mga identified natin at ongoing na cruise dedicated terminals, like sa Siargao hopefully by the third quarter operational na ang Siargao cruise terminal natin, sa Coron, Palawan may cruise terminal rin, nandyan ‘yung sa Currimao, Ilocos Norte, nandyan ‘yung Salomague Port sa Ilocos Sur and we’ve also constructed cruise dedicated terminal natin sa Buruanga, Aklan and marami pa tayong locations na sisimulan for cruise destination dagdag mo na dyan ‘yung sa Camiguin na naka-line up,” dagdag ni Santiago.

Bukod sa mga cruise dedicated terminal, tuloy-tuloy rin ang konstruksyon ng PPA ng mga bagong passenger terminal building sa bansa kabilang ang pagpapalawak ng terminal sa Zamboanga na inaasahan ring bubuksan ngayong taon.

“PPA still has a lot of surprises sa ating mga kababayan you will see new terminals opening at ang disenyo ng terminal natin will reflect kung ano `yung local culture, kung ano `yung local taste kung maaalala n’yo sa Calapan, Mindoro ang tema noon nagbibigay-pugay sa kultura natin na Mangyan. Dito naman sa Batangas, bago matapos ang taon may iinagurahan na natin `yung PTB sa Zamboanga City at magre-reflect naman ‘yun ng local flavor sa Zamboanga,” saad ni Santiago.

The post PPA magbubukas pa ng mga pantalan, terminal – GM Jay Santiago first appeared on Abante Tonite.