27 Pinoy sa barkong inatake ng Houthi balik `Pinas – OWWA

Kasalukuyan nang kumikilos ang mga kinatawan ng pamahalaan upang makabalik sa bansa ang 27 marinong Pilipino na sakay ng MV Transworld Navigator na inatake ng mga rebeldeng Houthi sa Red Sea.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Arnell Ignacio, isinagawa ang agarang pag-uwi sa mga marino alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Isang Liberian-flagged at Greek-owned cargo carrier ang M/V Transworld Navigator na inatake ng mga rebeldeng Houthi noong Linggo habang naglalakbay sa Red Sea.

Sabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Has Leo Cacdac, ang M/V Transworld Navigator ang ika-apat na barkong inatake ng mga Houthi sa Red Sea at Gulf of Aden na mayroong mga sakay na marinong Pinoy.

Naunang inatake ng mga Houthi ang MV Galaxy Leader, MV True Confidence at MV Tutor.

Inamin ng mga Houthi ang pag-atake sa M/V Transworld Navigator at sa isa pang barko na Stolt Sequoia sa Indian Ocean sa pamamagitan ng cruise missiles.

“Sa kabutihang palad, ligtas ang lahat ang 31 crew nito, kabilang ang 27 Pilipinong seaman,” sabi ni Ignacio. (PNA)

The post 27 Pinoy sa barkong inatake ng Houthi balik `Pinas – OWWA first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments