Bamban mayor namumurong kasuhan ng Comelec

Patuloy na minamatyagan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kaganapan sa isinasagawang pagdinig ng Senado tungkol sa mga isyung may kinalaman sa suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Kasunod ito ng kumpirmasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na pareho ang fingerprint ni Guo at ng Chinese national na si Guo Hua Ping.

Hinihinalang iisang tao lamang ang alkalde at si Guo Huang Ping.

na hinihinalang ang alkalde rin mismo.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, tinitingnan nila ang posibleng pagsampa ng kasong kriminal laban kay Guo dahil sa misrepresentation sa kanyang Certificate of Candidacy nang tumakbo ito bilang alkalde noong 2022.

“We are closely monitoring the developments. If the evidence warrants, yes, we will,” sabi ni Garcia sa isang panayam sa telepono.

Nilinaw naman ni Garcia na hindi na maaaring sampahan ng disqualification case si Guo dahil naiproklama na ito at nakaupo na sa puwesto. Maliban aniya kung muling tatakbo si Guo sa susunod na halalan sa 2025.

“If she files a COC anew for the 2025 elections, she will be vulnerable to such petitions,” ani Garcia.

Base sa ulat, pumasok si Guo Hua Ping sa Pilipinas noong 2023 sa edad na 13-anyos.

Samantala, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na tapos na ang maliligayang araw ng kontrobersiyal na alkalde dahil sa ulat ng NBI.

“Ngayon masasabi na talaga natin na one hundred and one percent na si Guo Hua Ping ay si Alice Guo,” sabi ni Gatchalian sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.

Sabi pa ng senador, kailangang kanselahin muna ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang birth certificate ni Guo para suportahan ang quo warranto case na ihahain ng Office of the Solicitor General laban sa alkalde.

Ang quo warranto case ang magpapatalsik kay Guo bilang alkalde ng Bamban.

Maliban sa quo warranto case, kailangan harapin muna ni Guo ang mga kasong human trafficking, money laundering at tax evasion bago siya palayasin sa bansa. (PNA/Dindo Matining)

The post Bamban mayor namumurong kasuhan ng Comelec first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments