Datung galing scam farm ibinabala sa 2025 midterm elections

Posibleng magamit sa 2025 midterm elections ang pera galing sa mga scam farm na nag-ooperate sa bansa, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr.

Sa press briefing sa Camp Crame Lunes ng umaga, Hunyo 24, sinabi ni Abalos na malaki ang posibilidad na magamit ang pera ng mga scam farm para pondohan ang kampanya ng ilang tiwaling politiko.

Ayon kay Abalos maliban sa POGO, posible ding umanong magamit ang pera mula sa jueteng, ilegal na sabong at illegal drugs sa nalalapit na halalan.

Dahil dito ay mahigpit ang paalala ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco Marbil sa hanay ng pulisya na mananagot at may katumbas na parusa sa ilalim ng batas ang sinumang protektor o sangkot sa mga scam farm.

Una na ring nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Elections dahil sa posibilidad na maimpluwensyahan ng mga sindikato sa scam farm ang mga politiko sa pamamagitan ng pagbubuhos ng malaking pera sa kanilang kampanya.(Edwin Balasa)

The post Datung galing scam farm ibinabala sa 2025 midterm elections first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments