Hiniling ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang lahat ng asset o mga ari-arian ng suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Aniya, sa gitna ng mga alegasyon at umuusbong na mga ebidensya laban kay Guo, kailangang gumawa ng hakbang ang AMLC upang pangalagaan ang integridad ng public funds, tiyakin ang pananagutan at isulong ang transparency.
“This move is a crucial step in preventing the disposition of purported illegally acquired assets that may be subject to investigation,” wika ni Estrada.
Dagdag pa ng senador, “Ang ganitong hakbang ay makatutulong upang magkaroon ng masusing imbestigasyon at malaman ang katotohanan sa likod ng kaliwa’t kanang akusasyon na may kinalaman diumano ang lokal na opisyal sa ilang ilegal na aktibidad, kabilang ang money laundering.”
Noong Hunyo 21 ay naghain ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice ng kasong qualified human trafficking complaint laban kay Guo.
Nag-ugat ang suspensyon kay Guo bilang alkalde dahil sa pagkakasangkot diumano nito sa mga scam farm na sinalakay sa kanyang bayan sa Bamban. Kinukuwestiyon din ang kanyang nationality na pinaghihinalaang isa siyang Chinese. (Issa Santiago)
The post Mga asset ni Mayor Alice Guo pinapa-freeze sa AMLC first appeared on Abante Tonite.
0 Comments