Ermat ni Mayor Alice Guo binuking ng AMLC sa bank account

Lalo pang tumibay ang hinala ng Senado na si Wen Ye Lin ang tunay na ina ng suspendidong Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito’y matapos kumpirmahin ng isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nakalagay ang pangalan ni Wen Ye Lin, bilang pangalan ng ina ni Guo sa impormasyon nang mag-apply ito ng bank account.

“Meron siyang sinulat na Wen Ye Lin. Mayroon ding iba’t ibang variation pero meron siyang sinulat na Wen Ye Lin, tama ba?” tanong ni Senador Sherwin Gatchalian na kinumpirma naman ni AMLC Deputy Director Atty. Emmet Manantan.

“Tama po. Nakalagay po Wen Ye Lin Leal po,” tugon ni Manantan kay Gatchalian.

Sabi ng senador, nangangahulugan lang ito na noong buksan ni Mayor Guo ang kanyang bank account, boluntaryong isinulat ng alkalde ang pangalan ni Wen Yin Lin, bilang kanyang mother’s maiden name.

“So in other words binuksan niyan ang account niya, voluntarily sinulat na ang kanyang mother’s maiden name is Wen Ye Lin, may Leal lang. Pero alam naman nating ang Leal ay kathang-isip lang naman `yun, imagination lang `yun,” giit ni Gatchalian.

“Ibig sabihin bago pa lumabas ang isyung ito, voluntarily sinusulat niya ang nanay niya si Wen Ye Lin,” dagdag pa ng senador.

Nauna nang sinabi ni Gatchalian na ilang residente ng Valenzuela City ang makakapagsabing si Wen Ye Lin ang ina ni Guo ng tumira ito sa nasabing lungsod.

Mariin nang itinanggi ni Mayor Guo na si Wen Ye Lin ang kanyang ina kundi isang nagngangalan umano ng Amelia Leal Guo. (Dindo Matining)

The post Ermat ni Mayor Alice Guo binuking ng AMLC sa bank account first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments