Inaasahan ng Department of Finance na magiging operational na ang bahagi ng LRT Line 1 South Cavite Extension project bago matapos ang 2024.
Binisita ni Finance Secretary Ralph Recto nitong Biyernes, Hunyo 7, ang first phase ng proyekto na nagkakahalaga ng P64.9 bilyon at may habang 11.7 kilometro.
Dadaan ang extension project sa Parañaque, Las Piñas, at Cavite. Sa Zapote ang depot nito.
Sa package 1 ng proyekto, magtatayo ng limang istasyon sa Redemptorist/ASEANA, MIA Road, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), Ninoy Aquino Avenue, at sa Dr. A. Santos Avenue o Sucat Road. Paiikliin nito ang biyahe mula Baclaran hanggang Sucat sa loob ng 14 na minuto na lamang mula sa 20 hanggang 40 minuto ngayon. May habang 6.35 kilometro ang package 1 at dadagdagan nito ng 87,000 na pasahero ang LRT-1.
Sabi ni Recto, bukod sa koneksyon mula Manila hanggang Cavite, pasisiglahin din nito ang ekonomiya dahil magkakaron ng mga negosyo at trabaho sa Calabarzon dahil dito.
Bibili ng 30 four-car fourth generation light rail vehicles para dito na makatatakbo sa kabuuan ng LRT-1. Nagpautang ng P17.8 bilyon ang Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa proyekto at sinagot naman ng private sector na Light Rail Manila Corporation ang P39.57 bilyon. Nasa P7.55 bilyon naman ang sinagot na gastusin ng pamahalaan.
Tatlong package ang proyekto at madadagdagan ng 300,000 pasahero ang LRT-1 sa kabuuan at inaasahang 2031 ito matatapos. Ang plano ay paabutin ang extension project sa Niog, Bacoor, Cavite. (Eileen Mencias)
The post LRT Cavite extension bubuksan bago matapos ang 2024 first appeared on Abante Tonite.
0 Comments