Ibinasura ng Malacañang ang kahilingan ng suspendidong Cebu City Mayor Mike Rama na patawan ng preventive suspension si Governor Gwendolyn Garcia dahil sa pagpigil nito sa Cebu Rapid Bus Transit (CRBT) project sa kanilang lungsod.
Sa inilabas na pahayag ng Malacañang, kulang umano sa merito ang reklamo ni Rama para mag-isyu ng preventive suspension laban sa gobernadora.
Nagsampa ng administrative complaint si Rama noong Marso 20 sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Garcia dahil sa umano’y pang-aabuso sa kapangyarihan, grave misconduct at pakikialam sa panloob na usapin ng Cebu City government.
Nag-isyu si Garcia ng Memorandum 16-2024 kung saan ipinag-utos sa contractor ng proyekto na itigil ang ginagawa dahil sa umano’y “heritage concerns”.
Batay sa inilabas na tugon ng tanggapan ng Pangulo matapos ang masusing pag-aaral sa reklamo ni Rama, kulang sa merito ang reklamo ng suspendidong alkalde.
“This office finds the allegations of the same insufficient to warrant the issuance of the order prayed for. The prayer for the issuance of a preventive suspension order is hereby denied for lack of merit,” ayon sa Office of the President.
Gayunman, inatasan ng Malacañang si Garcia na magsumite sa loob ng 15 araw ng kanyang tugon at hindi motion to dismiss kaugnay sa reklamo ni Rama. (Aileen Taliping)
The post Malacañang tinabla suspensiyon vs Cebu Governor Gwendolyn Garcia first appeared on Abante Tonite.
0 Comments