Pagpapakita ng kawalan ng pakikiramay at malasakit sa mga biktima ng bagyo ang personal na biyahe ni Vice President Sara Duterte sa Germany kahit kasagsagan ang kalamidad sa bansa, ayon sa isang mambabatas.
Sabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, hindi dahilan na matagal ng nakaplano ang biyahe upang hindi ito ituloy.
“Vice President Sara Duterte left hundreds of thousands of Filipinos in agony and despair due to the onslaught of super typhoon Carina as she flew with her family to Germany last Wednesday for an apparent vacation,” ani Lagman.
“Her lack of empathy and concern is appalling as Metro Manila and many parts of the country are reeling in a state of emergency,” dagdag pa nito.
Ikinumpara pa ni Lagman si Duterte kay dating Vice President Leni Robredo na tumutulong sa mga nasalanta ng bagyo.
“The sincerity of public leaders must be gauged by their selflessness and support in times of nationwide calamities and emergencies,” giit ni Lagman.
Nang tanungin kaugnay sa pahayag ng kampo ni Duterte na matagal ng nakaplano ang biyahe, sinabi ni Lagman na hindi ito “excuse”.
Puwede naman aniya na pinauna ni Duterte ang kanyang pamilya sa pagbiyahe at sumunod na lamang siya sa mga ito.
Samantala, nilinaw ng Office of the Vice President (OVP) na “personal trip” ang pag-alis ni Duterte kasama ang kanyang pamilya.
Sa inilabas na pahayag ng OVP, nakasaad na may pahintulot base na rin sa travel authority na inisyu ng Office of the President (OP) ang pagbiyahe ni Duterte.
“Her departure received the necessary approvals, as evidenced by the travel authority issued by the Office of the President dated 09 July 2024. We thank the public for respecting the privacy of the other members of the family,” ayon sa OVP.
Nagkataon naman umano na nangyari ang bagyo kasabay ng pag-alis sa bansa ni Duterte pero tiniyak ng OVP na aktibo ang Disaster Operations Center nito para sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad. (Billy Begas/Eralyn Prado)
The post VP Sara Duterte walang malasakit sa mga hinagupit ni `Carina’ – Cong Lagman first appeared on Abante Tonite.
0 Comments