Umaasa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gaya ng Pilipinas ay kikilalanin ng China ang mga napagkasunduan ng dalawang bansa tungkol sa resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.
Ginawa ng DFA ang pahayag matapos sabihin ng Chinese Foreign Ministry na pumayag umano ang Pilipinas sa kondisyon nila na dapat ipaalam muna sa Beijing bago magsagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Mariing pinabulaanan naman ito ng DFA at sinabing malinaw ang napagkasunduang “provisional arrangement” para sa resupply mission.
“The principles and approaches laid out in the agreement were reached through a series of careful and meticulous consultations between both sides that paved the way for a convergence of ideas without compromising national positions,” ayon kay DFA spokesperson Ma. Teresita Daza.
Binigyang-diin pa ni Daza na “inaccurate” o hindi tumpak ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry na kailangan ipabatid muna ng Pilipinas sa China bago magsagawa ng resupply mission.
Muli ring iginiit ni Daza na patuloy na ipaglalaban ng bansa ang karapatan at hurisdiksyon sa maritime zones nito, kabilang na ang Ayungin Shoal at ang exclusive economic zone.
Nakahanda aniya ang Pilipinas na ipatupad ang napagkasunduan “in good faith” at umaasa ang pamahalaan na ganito rin ang gagawin ng China.
“We urge China to do the same,” sabi ni Daza. (PNA)
The post China dapat sumunod sa Ayungin deal – DFA first appeared on Abante Tonite.
0 Comments