El Nido namumurong ipasara sa turismo dahil sa maruming tubig

Nasa balag ng alanganin ang kalagayan ng turismo ngayon sa El Nido Palawan dahil sa tila hindi nagkakaroon ng pagbabago ang problema sa kanilang mga water waste, kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Mimaropa Regional Director Karl Caesar Rimando.

Sa panayam ng DWAR Abante Radyo kay Rimando sa pagdalo nito sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Puerto Princesa City kamakalawa, sinabi nito na sa loob ng halos anim na buwan nilang pag-inspeksiyon sa waste water ng El Nido ay hindi ito nagbago at hindi pumapasa sa criteria ng binuong komite na siyang tumitingin ng kalagayan sa lugar.

Kaya malamang aniya na kapag hindi nakapasa sa binuong Committee Monitoring Team ay posible ang pagpapasara at malalaman ito sa susunod na buwan, sabi ni Rimando.

Maging si Rimando ay nakaranas din umano ng sakit ng tiyan dahil sa inuming tubig sa El Nido.

Sabi pa nito, kritikal ang kalagayan ngayon ng El Nido at bagamat sinabihan na ang pamahalaang lokal na gawan ng paraan ay kailangan din ang kooperasyon ng mga mamamayan at negosyante.

Ang tinitingnan aniya ay kung alin ang mahalaga, turismo o ang kaligtasan ng mga tao.

Malaking epekto umano kapag natigil ang turismo pero dapat balansehin na siyang dedesisyunan sa susunod na buwan.

Ang problema ng El Nido ay kagaya umano sa bayan ng Coron ang kanilang water waste at pareho pa naman pangunahing dinadayo ng mga turista.(Romy Luzares)

The post El Nido namumurong ipasara sa turismo dahil sa maruming tubig first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments