Mayor Guo pumiyok sa death threat

Mariing itinanggi ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na gusto niyang ipatumba sina Sen. Sherwin Gatchalian at Risa Hontiveros dahil sa isyu ng illegal POGO at citizenship

Ayon kay Atty. Stephen David, nakausap niya sa cellphone si Mayor Guo upang hingin ang reaksiyon tungkol sa sinabi ni Gatchalian na may death threat sa kanya ang alkalde.

“Noong nakausap ko naman si mayor about that, ang sabi niya, ‘Ano ba ‘yan Diyos ko, lahat na lang binibintang sa akin.’ So in other words, wala siyang alam doon. Alam mo, maganda diyan kay Senator Sherwin, ipatawag ‘yung vlogger na ‘yun,” wika ni David sa ABS-CBN News nitong Huwebes.

“Negosyante si mayor pero hindi siya kriminal,” dugtong pa niya.

Matatandaang humi¬ngi ng tulong sa Pasay City Police si Gatchalian para imbestigahan ang kumakalat na video sa online na naglalaman ng pagbabanta sa kanya at kay Senador Hontiveros.

Sa kanyang ipinadalang liham kay Police Major Paul Benjamin Mandate, Sub-Station Commander, sinabi ni Gatchalian ang banta sa kanyang buhay ay may kinalaman sa kanyang aktibong partisipasyon sa pagdinig ng Senado sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na konektado kay Mayor Guo at pamil¬ya nito.

Samantala, hinikayat naman ni Gatchalian si Mayor Guo na sumuko na sa Senado dahil mahihirapan umano itong magtago nang matagal.

“Nagtatago siya. Pero tingin ko rin mahihirapan siya. Kung nandito pa siya sa Pilipinas, mahihirapan siya magtago nang matagal. Dahil hindi siya makakalabas ng bahay niya. At alam ng buong bayan kung ano ‘yung itsura niya, kung sino siya,” sabi ni Gatchalian sa panayam ng mga reporter.

Una nang sinabi ni Gatchalian na posibleng umalis na ng bansa si Guo gamit ang kanyang Chinese passport. Subalit paglilinaw niya, teorya lang niya at wala siyang personal na impormasyon kung nasaan talaga si Mayor Guo.

“Ako wala akong personal information kung nasaan siya at kung nakalabas na siya ng bansa. But ang theory ko kasi, ‘yung kanyang Chinese passport buhay pa. And within the periods of 2008 to 2011, ginamit niya ito sabay. Ginagamit niya ‘yung Filipino passport niya, ginagamit niya ‘yung Chinese passport niya. Tumigil lang siya gumamit ng Chinese passport in the past 2011,” ani Gatchalian.¬ (Dindo Matining)

The post Mayor Guo pumiyok sa death threat first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments