Nagkasundo ang Pilipinas at China sa isang “provisional arrangement” kaugnay ng mga rotation and resupply mission para sa mga sundalong nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“The Philippines and the People’s Republic of China have reached an understanding on the provisional arrangement for the resupply of daily necessities and rotation missions to the BRP Sierra Madre in Ayungin Shoal,” pahayag ng DFA nitong Linggo, Hulyo 21.
Gumagawa ng paraan ang magkabilang panig upang pahupain ang tensiyonadong sitwasyon sa WPS at nagkasundo sa isang “provisional arrangement” para sa nasabing layunin, ayon sa DFA.
“Both sides continue to recognize the need to de-escalate the situation in the South China Sea and manage differences through dialogue and consultation and agree that the agreement will not prejudice each other’s positions in the South China Sea,” ayon sa DFA.
Ngunit hindi pa isinapubliko ng DFA ang mga nilalaman ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Nagkaroon ng serye ng konsultasyon ang dalawang bansa pagkatapos ng pag-uusap sa 9th Bilateral Consultation Mechanism on South China Sea noong Hulyo 2.
Ito ang kauna-unahang kasunduan ng Pilipinas at China tungkol sa Ayungin Shoal.
Bago ito, sinabi ng DFA na walang pinasok na anumang kasunduan ang bansa sa China tungkol sa Ayungin Shoal. Dagdag pa ng DFA na tanging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. lamang ang maaaring mag-apruba o magbigay ng basbas para sa anumang kasunduan tungkol sa West Philippine Sea.
Ang BRP Sierra Madre ang lumang barkong pandigma na nagsisilbing outpost ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal.
Hinahatiran ng supply ang mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre at nagsasagawa rin ng regular na rotation mission o pagpapalit ng mga tropang nakaistasyon sa kinakalawang nang barko.
Matatandaan na ang pangha-harass na ginagawa ng China Coast Guard sa mga rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal ay humantong sa pagkaputol ng daliri ng isang sundalong Pilipino at pagkasira ng Philippine Coast Guard equipment. (Issa Santiago/PNA)
The post `Pinas, China kasado sa Ayungin Shoal deal first appeared on Abante Tonite.
0 Comments