Babantayan ng Department of Education (DepEd) ang maramihang pag-alis ng mga guro para magtrabaho bilang language teachers sa abroad.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na may mga report na maraming mga Pilipinong guro ang naiimbitahang mag-study tour sa ibang bansa gaya ng Amerika subalit hindi na bumabalik sa Pilipinas.
“So medyo babantayan namin iyan at pag-aralan din namin siguro ano iyong factors for them leaving,” ani Angara.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng DepEd ay ang mabagal na pag-unlad ng career ng mga guro kaya makakatulong ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na Expanded Career Progression kung saan tutulungan ang mga pampublikong guro na mapaangat ang kanilang posisyon upang bago magretiro ay umakyat na ang kanilang ranggo.
Sinabi ni Angara na isa sa mga posibleng dahilan kaya nagingibang bansa ang mga guro ay dahil kahit trabahong administratibo ay ipinapagawa sa mga ito at hindi na nagagamit ang bokasyon ng pagtuturo. (Aileen Taliping)
The post DepEd haharangin study tour ng mga guro sa US first appeared on Abante Tonite.
0 Comments