Iimbitahan ng quad committee ng Kamara de Representantes si Mans Carpio, ang mister ni Vice President Sara Duterte, para sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng drug smuggling sa bansa.
Bukod kay Carpio, iimbitahan din ang kapatid ng Bise Presidente na si Davao City Rep. Paolo “Pulong Duterte, dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda, at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul Gutierrez.
Sa pagdinig nitong Biyernes, Agosto 16, naghain ng mosyon si Manila Rep. Bienvenido Abante upang imbitahin ang mga pinangalanan ni dating Bureau of Customs (BOC) intelligence officer Jimmy Guban sa kanyang testimonya na mga sangkot diumano sa nasabat na magnetic lifters na naglalaman ng shabu.
Ayon kay Guban, noong 2017 ay ipinakilala ng isang negosyante sa kanya si Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera Jr. Si Abellera ay nagpakilala umano bilang “business partner and trusted man” nina Carpio, Rep. Duterte at Michael Yang, ang dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig, sinabi ni Guban na habang nakadetine sa Senado matapos na ma-contempt, ay pinuntahan siya ni Gutierrez upang sabihan na huwag pangalanan sina Rep. Duterte, Carpio, at Yang sa pagdinig kaugnay ng nakumpiskang magnetic lifter kung saan itinago ang daan-daang kilo ng shabu.
Samantala, itinanggi nina Rep. Duterte, Antiporda at Gutierrez ang mga alegasyon laban sa kanila ni Guban.
“Hindi ko po kilala si Jimmy Guban at sigurado ako na hindi rin niya ako kilala. Wala kaming anumang transaction o ugnayan kaya walang rason na siya ay pagbantaan kung babanggitin man niya ang pangalan ko,” sabi ni Duterte sa isang pahayag.
Kinuwestyon din ni Duterte ang kredibilidad ni Guban na minsan na aniya na-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagsisinungaling.
“Nais ko din po sana makita ang kanyang sinumpaang salaysay upang mapag aralan din namin ng abogado ko,” dagdag pa ng kongresista.
“Mr. Guban’s allegations are lies of great magnitude as magnified by the fact that it lacks any evidentiary support but his self-serving allegations,” ayon naman kay Antiporda.
Tinawag naman ni Usec Gutierrez si Guban na “inveterate liar” at sinusubuan lang aniya ito ng mga sasabihin sa publiko. (Billy Begas/Eralyn Prado)
The post Mister ni VP Sara, Pulong Duterte ipapatawag sa shabu smuggling probe first appeared on Abante Tonite.
0 Comments