Pinasabihan na umano ang mga law enforcement agency kaugnay ng arrest order na ipinalabas ng quad committee ng Kamara de Representantes laban kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, pinadalhan ng kopya ang law office ni Roque sa Makati City subalit tumanggi ang kanyang staff na tanggapin ito.
“Wala siya dun sa office and he cannot be located,” sabi ni Velasco.
Na-contempt si Roque sa pagdinig ng quad committee noong Huwebes matapos mabigo na magbigay ng kopya ng mga dokumento kaugnay ng kanyang yaman na hinihingi ng komite.
Ipinunto ni Barbers na sa pagdinig noong Agosto 22 ay nangako si Roque na isusumite ang mga dokumento subalit hindi niya ito tinupad.
“Na-contempt ng ikalawang beses si G. Harry Roque for non-compliance sa pangako niya na isa-submit ang mga nasabing dokumento. Pero umatras siya sa pangako niya. Ito ang dahilan ng kanyang second contempt. Hindi dahil sa ayaw ng quad comm and sinasabi niya. Hindi nga siya uma-attend ng hearings e, paanong aayawan ng quad comm ang sinasabi niya,” sabi ni Barbers.
Inatasan ng komite si Roque na magsumite ng kopya ng mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nito, mga dokumento kaugnay ng Biancham na kompanya ng kanyang pamilya, at deed of sale ng ibinenta umanong lupa ng pamilya nito sa Parañaque City na sinabi ng dating presidential spokesperson na pinanggalingan ng kanyang pera.
Ipinagtaka ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang paglobo ng asset ni Roque mula P125,000 bago ang 2016 na naging P125 milyon noong 2018.
“If he (Roque) will not be able to prove the legal and valid source of this sudden increase of assets of his family-owned Biancham, then there is reasonable ground to believe that indeed he is connected with POGO operations, and this money possibly came from POGO operations,” sabi ni Luistro.
Nauna nang sinabi ng “all around alalay” ni Roque na si AR Dela Serna, dating Mister Supranational Philippines, na mayroon silang joint bank account ng dating presidential spokesperson. Sinabi ni Dela Serna na ginamit ang account para sa 2022 elections nang tumakbo si Roque sa pagkasenador.
Nasangkot si Roque sa operasyon ng POGO matapos nitong samahan si Katherine Cassandra Li Ong sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) upang ayusin ang problema ng Lucky South 99, isang POGO hub.
Nauna ng na-contempt at kinulong sa loob ng 24 oras si Roque sa detention center ng Kamara dahil sa umano’y pagsisinungaling.
Sinabi ni Roque na hindi ito makakadalo sa pagdinig noong Agosto 16 dahil mayroon siyang pupuntahang court hearing.
Pero ayon sa korte, ang dinaluhang hearing ni Roque ay noong Agosto 15. (Billy Begas)
The post Arrest order kasado: Harry Roque wanted sa Kongreso first appeared on Abante Tonite.
0 Comments