Dinagsa ng ating mga kababayan ang salo-salo na inihanda ng Malacañang sa Kalayaan Grounds simula alas-kuwatro ng hapon nitong Biyernes, Setyembre 13, bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-67 kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kabila ng mahabang pila, matiyagang naghintay para sa kanilang pagkakataon ang mga lolo’t lola, mga inang may dala pang mga sanggol, at kabataan para makapasok sa Kalayaan Grounds kung saan naghihintay ang mga booth ng iba’t ibang pagkain.
Bahagi ito ng selebrasyon o handa para sa kaarawan ni Pangulong Marcos.
Kontrolado ng Presidential Security Group at mga pulisya ang pila pati na rin ang daloy ng trapiko.
Grupo-grupo ang sistemang pinairal sa pagpasok ng mga tao ngunit pinauna ang mga senior citizen, mga person with disability (PWD), at mga buntis.
May mga nakahanda ring lamesa at upuan sa loob para sa mga gustong kumain pero kung hindi naman ay puwedeng i-take out ang handog na pagkain.
Bagamat hindi inaasahang makakadalo si Pangulong Marcos, hanggang alas-nuwebe ng gabi umano ang salo-salo. (Andrea Salve)
The post Malacañang binuksan, nagpatsibog sa birthday ni PBBM first appeared on Abante Tonite.
0 Comments