Kakalkalin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung sino ang dating pinuno ng Philippine National Police (PNP) na tumatanggap diumano ng payola mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Nabatid kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na magkakaroon ng pagpupulong ngayong linggo ang mga opisyal ng CIDG kay Raul Villanueva ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) para pag-usapan ang mga detalye tungkol sa ibinunyag nito sa pagdinig ng Senado noong Martes (Setyembre 17) na may isang dating PNP chief na tumatanggap ng payola mula sa POGO.
Ayon kay Fajardo, inatasan ang CIDG para makipag-ugnayan sa Pagcor upang makakuha pa ng mga detalye mula sa mga usap-usapan sa intelligence community tungkol sa dating PNP chief.
“We want to start the investigation at the soonest possible time to determine if what he (Villanueva) said has basis. We owe it to the public to clear the issue,” sabi ni Fajardo sa isang panayam sa radyo nitong Linggo, Setyembre 22.
Sabi ni Fajardo, nanumpa si Villanueva nang ihayag sa pagdinig ng Senado ang umano’y POGO payola ng isang dating PNP chief kaya’y obligasyon nito na linawin ang isyu para maging patas sa lahat ng mga naging pinuno ng PNP.
Retiradong heneral si Villanueva at naging pinuno dati ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
Isiniwalat niya sa Senado na isang dating PNP chief ang tumulong sa sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo para makalabas ng bansa.
Hindi pinangalanan ni Villanueva ang sinasabi nitong dating PNP chief na tumatanggap umano ng suhol mula kay Guo. (PNA)
The post CIDG pipigain Pagcor exec sa POGO payola first appeared on Abante Tonite.
0 Comments